ILANG PANGASINENSE, HILING NA MAISAMA RIN ANG IBANG SEKTOR SA ₱5K AYUDA MULA SA DOTr

Nagpahayag ng kani-kanilang reaksyon ang ilang Pangasinenseng netizens matapos ihayag ng Department of Transportation (DOTr) ang planong pamamahagi ng limang libong pisong ayuda sa mga pampasaherong driver sa susunod na linggo.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bahagi ito ng Fuel Subsidy Program ng pamahalaan para matulungan ang mga driver na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa merkado.

Gayunman, may ilang netizens na nananawagan na sana ay maisama rin sa mabibigyan ng tulong ang ibang sektor tulad ng mga delivery riders.

Hiling din ng ilan na mapabilang ang mga mangingisda na gumagamit din ng diesel para sa pagpapatakbo ng kanilang mga bangka.

Mayroon ding mungkahi na fuel vouchers na lamang ang ipamahagi upang matiyak na sa pagbili ng petrolyo talaga mapupunta ang ayuda.

Samantala, may ilan pang nagsabi na mas makabubuting bawat pamilya na lamang ang mabigyan ng tulong dahil ramdam din umano ng lahat ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon sa DOTr, nakatakdang simulan ang pamamahagi ng ayuda sa Marso 17 para sa mga tricycle driver sa Metro Manila, na susundan naman ng mga Transport Network Vehicle Service, UV Express, at mga bus driver. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments