Manila, Philippines – Hindi na ikinagulat ni Senator Leila De Lima ang natuklasang sekretong bilangguan sa Tondo Police Station kung saan siksikang nakakulong ang ilang drug suspects.
Sabi ni De Lima, kung kayang pumatay ng 8-libong katao ay wala na ring makakapigil sa iligal na pagditine sa mga pinaghihinalaang sangkot sa iligal na droga.
Giit ni De Lima ang nabangit na secret cell ay patunay na wala ng umiiral na rule of law sa ating bansa.
Ito aniya ay dahil pinayagan ang isang mamamatay tao na pamunuan ang pamahalaan at isulong ang pagpapatupad ng walang habas na pagpatay.
Ayon kay De Lima, ang rule of law lamang ang makapagbibigay proteksyon sa mga mamamayan pero na hindi nangyayari ngayon dahil kahit aniya ang bill of rights ay para na lamang toilet paper kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Nangangamba si De Lima na dahil pinababayaan si Pangulong Duterte na patayin ang mga mahihirap na mamamayan ay mas lalo pang maging malahayop ang pagtrato ng mga otoridad sa taongbayan.
Hanggang nagpapatuloy aniya ang criminal policy ng Duterte administration ay malaya ang mga tiwaling pulis na kumita dito sa pamamagitan ng tokhang-for-ransom, police vigilantes’ pay-per-kill system, at pagditine ng walang basehan.
Bunsod nito ay nanawagan si Senator De Lima sa taong bayan na gumising at tingnan ang mapait na katotohanan na malayo sa ipinangakong pagbabago ni Pangulong Duterte.
DZXL558