Maraming mga opisyal ng unibersidad at paaralan sa Metro Manila ang bukas sa pakikipag-ugnayan sa militar upang maialis ang mga grupong kaalyado Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ang inihayag ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict Spokesperson at Southern Luzon Command (SOLCOM) Commander Lt. Gen. Antonio Parlade Jr.
Aniya, ang tinanggap na kritisismo ng militar sa pagbasura ng kasunduan ng Department of National Defense (DND) at University of the Philippines (UP) na nagbabawal sa pulis at militar sa loob ng campus ay mula lang sa ilang maiingay na grupo.
Pero ang mas marami aniyang opisyal ng mga paaralan ang bumubuo ng “silent majority” ang pabor na matigil ang reruitment ng NPA sa mga paaralan.
Matatandaang September 2018 ay nagkaroon na ng dayalogo ang militar sa Metro universities makaraang ibulgar ni Parlade ang recruitment ng NPA sa pamamagitan ng mga makakaliwang student organization.
Nakatakda namang makipagdayalogo ngayong linggong ito sa pamunuan ng UP si Defense Secretary Lorenzana kaugnay ng pagbasura sa DND-UP accord.