Pinasususpinde ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang implementasyon ng Republic Act 11934 o SIM Card Registration Act kasunod ng serye ng cybersecurity attacks sa mga website at data systems ng gobyerno.
Giit ni Manuel, kailangang itigil muna ang pagkuha ng online data ng mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng SIM card registration hangga’t hindi naipapakita ng administrasyon na kaya nitong tiyakin ang cybersecurity ng ating bansa.
Diin ni Manuel, delikado na mapasakamay ng masasamang loob ang mga sensitibo at mga personal data ng mamamayan na karamihan ay konektado sa mga social media account, messaging apps at online banking.
Panawagan ni Manuel sa pamahalaan, palakasin ang data protection mechanisms sa pamamagitan ng pagsuporta sa ating homegrown Information Technology specialists.