Simula ng Kampanya para sa mga Lokal na Kandidato, Tututukan ng COMELEC-Isabela!

*Cauayan City, Isabela- *Patuloy na maghihigpit ang Commission on Elections (COMELEC) Isabela kaugnay sa unang pagsisimula ng kampanya ng mga kandidato para sa May 13, 2019 midterm elections.

Sa panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Atty. Michael Camangeg, Provincial Election Supervisor, hindi anya sila mag-aatubili na tanggalin ang mga nakakabit na campaign materials kung hindi ito nakalagay sa tamang lugar at hindi naaayon ang sukat sa panuntunan ng COMELEC.

Kasabay sa unang araw na kampanya ng mga local candidates ay kanila ring babantayan ang mga kandidato kung lalabag ang mga ito sa rules and regulation ng COMELEC.


Kaugnay nito, binabantayan rin ng COMELEC ang bayan ng Jones na kabilang sa election hotspot sa bansa subalit kung magkaroon man ng kaguluhan ay idedeklara na ito na under Comelec Control.

Magugunita na napabilang ang Jones sa election hotspot dahil sa nangyaring patayan noong mga nakaraang taon subalit maikukunsidera anya ngayon na mapayapa na ang naturang bayan.

Mensahe naman ni Atty. Camangeg sa mga tumatakbong kandidato na sumunod sa rules and regulation ng COMELEC upang hindi makalabag sa kanilang panuntunan.

Pinaalalahan rin nito ang mga botante na suriing mabuti ang mga iboboto, huwag magpadala sa resulta ng mga survey at sa kasikatan ng isang kandidato.

Magtungo rin anya sa tanggapan ng Comelec upang malaman kung saang presinto boboto at hindi na mahirapan sa paghahanap sa mismong araw ng eleksyon.

Facebook Comments