Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na layong gawing simple ang proseso ng pag-aampon at magbibigay ng amnestiya sa mga nagmanipula ng records para palabasing isinilang ang isang sanggol sa hindi nito biological mother.
Ito ay ang Republic Act 11222 o Simulated Birth Rectification Act.
Sa ilalim ng batas, itatama nito ang status ng isang batang may simulated birth.
Base din sa batas ay sa loob ng 10 taon ay kailangang maghain ng pormal na petition for adoption at application for rectification of simulated birth record sa Department of Social Welfare and Development o DSWD para isalegal ang pag-aampon.
Titikayin din sa bagong batas na ang bata ay makatatanggap ng lahat ng bepenisyo ng adoption.
Kailangan lang mapatunayan ng aplikante ay isa itong Pilipino na nasa legal na edad at mayroong kakayahan na mag-alaga ng bata.
Pabibilisin din nito ang adoption process kung saan ay inaatasan ng batas ang DSWD na tapusin ng tatlong buwan ang proseso.
Bubuo naman ang DSWD, Philippine Statistics Authority (PSA), DILG, DOJ at iba pang ahensya ng gobyerno ng Implementing Rules and Regulations (IRR).