Simulation exercise sa paghahanda sa pagdating ng COVID vaccines, naging mabilis kaysa sa inasahan

Kinumpirma ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na mas naging mabilis kaysa sa inaasahan nila ang ginawa nilang simulation exercise kanina bilang paghahanda sa pagdating ng mga bakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Galvez, dalawang oras ang kanilang inilaang oras para sa simulation pero nakumpleto nila ito sa loob lamang ng 50 minuto.

Sinabi ni Galvez na mas maganda ang kinahinatnan ng exercise lalo na’t maaari aniyang ma-spoil o masira ang mga bakuna kapag tumagal ang pag-transport nito.


Aniya, nakatulong din sa transportation process ang ginawang pre-screening at pre-clearing sa Bureau of Customs.

Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na ang sobrang doses ay ibibigay sa health workers sa military at pulisya.

Ang simulation exercise ay sinaksihan din ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), National Task Force (NTF) Against COVID-19 at ng Philippine National Police (PNP).

Nagsimula ang exercises sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan pagkababa ng mga bakuna sa airport ay dumaan ito sa clearance ng Customs.

Mula NAIA, dinala ang mga bakuna sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa inspeksyon at mula sa RITM ay ibiniyahe naman patungo sa healthcare facilities.

117,000 na doses ng Pfizer-BioNTech vaccines ang dadating sa bansa ngayong linggo kung saan ang unang babakunahan ay ang 56,000 healthcare workers.

Facebook Comments