Inilunsad ngayon ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang deployment ng sarili nilang Narcotics Detection Dogs (NDD).
Isinagawa ang aktibidad sa Manila Habor Center kung saan nasa 10 K9 Dogs ang ide-deploy kasama ang kanilang handler.
Partikular silang magbabantay sa mga malalaking bus terminal at pier sa Region 1, 2, 3, 4-A, 5, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Ayon kay Col. Jean Fajardo, ang deputy director ng PNP-DEG, ilang taon din sinanay ang mga nasabing K9 dogs kasama ang kanilang handler na miyembro rin ng pulisya para masigurong magagawa nilang matukoy ang iligal ng mga kontrabando.
Aniya, bukod sa handler at K9 dogs, makakasama nila ang ilang imbestigador mula sa PNP-DEG.
Makakatuwang ng NDD ang ilang mga PNP Regional Offices, Maritime Group, Philippine Ports Authority (PPA) at Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi pa ng opisyal na sa pamamagitan ng NDD ay mapipigilan ang pagpasok ng iligal na droga na karaniwang pinapalusot sa mga pier, bus terminal, at airport.