Sin Tax Bill, niratipikahan na ng Kongreso kopya ng panukala, ipinadala na sa Malacañang

Niratipikahan na ng Senado at Kamara ang Bicameral Conference Committee Report hinggil sa panukalang batas na magpapataw ng dagdag buwis sa sigarilyo, E-Cigarettes, at alcoholic na inumin.

Batay sa ipapatupad na Tax Rates:

Ang mga fermented liquor ay may dagdag na 35 Pesos sa taong 2020, at mayroong tig-dalawang pisong taas-presyo sa mga sumunod na taon hanggang sa maabot nito ang 43 Pesos sa taong 2024.


Sa distilled spirits, may dagdag na 42 Pesos sa 2020, 47 Pesos sa 2021, 52 Pesos sa 2022, 59 sa 2023, at 66 Pesos sa 2024.

Ang mga sparkling at still wines ay may dagdag na 50 pesos sa 2020.

Ang mga heated tobacco product ay papatawan ng 25 pesos na dagdag sa 2020, 27.50 Pesos sa 2021, 30 Pesos sa 2022, at 32.50 Pesos sa 2023.

Para sa Salt Nicotine, 37 Pesos sa 2020, ₱42 sa 2021, ₱47 sa 2022, at ₱52 sa 2023, habang ang free base ay nasa 45 Pesos sa 2020, at may limang pisong dagdag kada taon hanggang sa umabot ng 60 Pesos sa 2023.

Para kay Sen. Pia Cayetano, Chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, nais pa niyang mataas ang ipapataw na buwis.

Sinabi naman ni Albay Rep. Joey Salceda, Chairperson ng House Committee on Ways and Means, layunin ng panukala na ibaba ang pagkonsumo ng alcohol at tobacco products habang madadagdagan ang kita ng gobyerno para pondohan ang Universal Health Care (UHC) Law.

Itinatakda rin nito na maging vat-free ang mga gamot para sa Diabetes, Hypertension at High Cholesterol.

Ang panukala ay ipinadala na sa Malacañang para mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kapag naisabatas ito, aabot sa 24.9 Billion Pesos ang malilikhang revenues nito para sa gobyerno.

Facebook Comments