Manila, Philippines – Nasabon ng House Committee on Ways and Means ang mga opisyal ng Bureau of Customs tungkol sa nakalusot na 105 containers mula sa Port of Manila.
Ang mga containers na inilabas mula Enero hanggang Marso ay naka-alerto na siyang tinutukan naman ng mga mambabatas.
Katwiran ni Atty. Erastus Sandino, sumasailalim na sa internal investigation ng Bureau of Customs ang tungkol sa usapin ng mga containers na nakalusot sa Port of Manila.
Lumalabas sa pagtatanong ng mga kongresista na si Customs Commissioner Isidro Lapena ang nagtakda ng manual alert dahil sa umanoy derogatory information sa shipment pero hindi ito maipaliwanag ng husto.
Paliwanag naman ni Customs Deputy Commissioner Natalio Ecarma III, nai-release ng Asian Terminal Incorporated o ATI ang mga containers base sa pekeng dokumento.
Nanindigan naman ang ATI Representative na si Sean James Perez na magsagawa sila ng sariling imbestigasyon dito at napatunayan naman na nasunod ang proseso sa release ng containers at may mga dokumentong magpapatunay dito.