Nanatili pa rin sa pagkakasadsad sa bahagi ng Hasa-Hasa shoal sa West Philippine Sea ang barko ng Philippine Navy na BRP Gregorio del Pilar.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Col Noel Detoyato kasalukuyang bumabyahe pa patungo sa area ang mga magre-retrieve na tugboats.
Nanggaling pa raw kasi ito sa Batangas at medyo may kabagalan kaya maaring abutin ng dalawang araw bago sila makarating sa Hasa-Hasa shoal kung saan sumadsad ang BRP del Pilar.
Nilinaw naman ni Detoyato na hindi sinadya ang pagkakasadsad ng barko taliwas sa mga lumalabas na balitang baka kagagawan ito ng China.
Intact o ayos pa aniya ang makina ng barko o makakaandar pa kapag naialis sa pagkakasadsad dahil minimal lamang aniya ang naging sira nito.
Inaasahan aniya nilang sa susunod na linggo ay maiaalis na sa pagkakasadsad ang barko sa Hasa-Hasa shoal sa West Philippine Sea.
Nagpapatuloy rin ang kanilang imbestigasyon upang malaman kung ano ang dahilan ng pagsadsad at para hindi na ito maulit pa.