Kinukwestyon ngayon ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang tila kawalan ng interes ng Department of Agriculture (DA) na magtayo ng mga pasilidad para sa pagiinspeksyon sa ipinapasok na mga karne ng baboy na kontaminado ng African Swine Fever (ASF).
Ayon sa grupo, ngayong isa nang global phenomenon ang banta ng ASF halos lahat ng bansa sa mundo ay nakaalerto.
Pero ayon kay Jayson Cainglet, executive director ng SINAG, ang Pilipinas na lamang ang walang first border inspection facilities.
Aniya, sa kabila na may inilaang pondo dito simula noong 2019, wala ni isang first border inspection facilities ang naipapatayo ng DA.
Ani Cainglet, kahit anong gawing paghihigpit sa pagbibiyahe ng mga buhay na baboy at sa ipinaiiral na bio-security measures sa mga local farms sa bansa, balewala umano ito kung bukas na bukas ang mga pantalan sa imported pork na walang ASF testing na ginagawa.
Duda ni Cainglet, may mga taga-DA na kontra o di bukas sa pagkakaroon ng ganitong facilities.
Dagdag ng grupo, halata ang kiling ng DA sa pork importation sa halip na palakasin ang proteksyon para sa mga lokal na magba-baboy.