SINAG, UMAPELA NA IBALIK ANG MAS MATAAS NA BUWIS NG IMPORTED RICE

Nanawagan ang Samahang Industriya at Agrikultura (SINAG) sa Tariff Commission na ibalik ang dating taripa sa imported na bigas matapos ang umano’y kabiguan ng Executive Order (EO) 62 na pababain ang presyo ng bigas sa bansa.

Sa isang liham na ipinadala noong Marso 3, 2025, kay Tariff Commission Chairperson Marilou P. Mendoza, hiniling ni SINAG Chairman Rosendo O. So ang pagpapanumbalik ng 35% na taripa sa bigas mula ASEAN countries at 50% sa non-ASEAN countries.

Ito ay matapos ibaba ng EO 62 ang taripa sa 15%, na ayon sa grupo ay hindi nakatulong sa pagbaba ng presyo ng bigas, bagkus ay nagdulot pa ng pagtaas nito.

Ayon sa datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas ng House of Representatives’ Quinta Committee (Murang Pagkain Supercommittee), tumaas ang presyo ng bigas sa lokal na pamilihan mula ₱51 kada kilo noong Hulyo 2024 hanggang ₱55.30 kada kilo noong Disyembre 2024, kahit na bumaba ng ₱11 kada kilo ang landed price ng imported na bigas.

Nadiskubre rin ng komite na lumawak ang agwat sa presyo ng imported at lokal na bigas, mula ₱3 kada kilo noong 2023 hanggang ₱20 kada kilo noong 2024. Bukod dito, tinatayang ₱13 bilyon ang pinagsamang kita ng mga importer at negosyante matapos ibaba ang taripa sa 15% sa ilalim ng EO 62.

Dahil dito, iginiit ng SINAG na panahon nang ibasura ang EO 62 upang maprotektahan ang lokal na industriya ng bigas at tiyakin ang patas na presyo para sa mga konsyumer at magsasaka. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments