Hindi na raw hahayaan pa ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na maulit ang nangyaring pagkamatay ng 44 na Commandos ng PNP Special Action Force.
Ito ang binigyang diin ni PNP Chief Gen Dionardo Carlos, kasabay ng paggunita sa ika-pitong taon ng National Day of Remembrance para sa mga ito kahapon.
Ayon kay PNP Chief, isang aral ang nangyari sa SAF-44 na hindi dapat makalimutan.
Sila ay nagbuwis ng buhay hindi lamang para sa kanilang sarili at upang makilala kundi para sa isang mas mataas na hangarin.
Bukod sa SAF-44 ay kasama ding kinilala kahapon ang 126 na mga frontliners ng PNP na namatay dahil naman sa COVID-19.
Binigyang diin naman ni Justice Sec. Menardo Guevarra na siyang Panauhing Pandangal sa National Day of Remembrance, na ang pagkamatay ng SAF-44 ay hindi dapat kailanman malilimutan.
Ang 44 na SAF commandos ay namatay sa Operation sa Mamasapano, Maguindanao noong Jan. 25, 2015 matapos nilang mapatay ang Target na Malaysian Bomber na si Zulkipli Bin Hir Alyas Marwan.