Inatasan na ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang City Administrator at City Health Office na imbestigahan ang mga lumabas sa social media post hinggil sa sinasabing pagsingit ng ilang Chinese nationals sa pagbabakuna kontra COVID-19.
Tiniyak din ng alkalde na agad nilang isasapubliko anuman ang resulta ng nasabing imbestigasyon.
Nanindigan din si Calixto-Rubiano na bawal ang VIP treatment sa pagpapatupad ng vaccination program.
Nilinaw rin ng alkalde na ang pinahihintulutan lamang nilang mabakunahan kontra COVID-19 ay ang mga Chinese nationals na residente ng Pasay City na senior citizens at may comorbidities.
Aniya, ang mga Chinese na kasama sa A2 at A3 groups na nabakunahan na ay dumaan sa normal na proseso at sila ay nagsumite ng barangay certificates at medical certificates na nagpapatunay na sila ay kasama sa A2 o A3 groups.