Tinawag na fake news ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pahayag ng mga makakaliwang grupo na tumaas ang mga kaso ng pagpatay sa ilalim ng kampanya ng gobyerno kontra droga sa panahon ng pandemya.
Hinamon ni DILG Secretary Eduardo Año ang Human Rights Watch na magpakita ng kongkretong datos sa kanilang pahayag na dumami ang anti-drug killings.
Sinabi ni Año, batid ng lahat na ang PNP ay naging abala sa COVID response at sa pagtulong sa pagpapatupad ng quarantine regulations at health standards magmula nang pumutok ang COVID-19 pandemic.
Maliban dito, bumaba pa nga ng 46.66% ang index crime volume sa buong bansa dahil sa mga ipinatupad na community quarantine.
Babala ng kalihim sa publiko, mag-ingat sa gawa-gawang impormasyon ng leftist groups at ng kanilang mga kasabwat dahil layunin lang nito na linlangin ang publiko at pasamain ang imahe ng administrasyong Duterte.
Aniya, maging mapanuring upang mapigilan ang pagkalat ng fake news lalong-lalo na kung ito ay puro negatibo at paninira lamang.