Idineklarang “persona non grata” sa lungsod ng General Santos ang veteran singer at kilalang kritiko ng administrasyong Duterte na si Leah Navarro.
Nag-ugat ito sa naging reaksyon ni Navarro sa tweet ni Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te kaugnay sa mga nangyaring lindol sa Mindanao noong nakaraang linggo.
“What’s with all the earthquakes in Mindanao?” tweet ng abogado noong Oktubre 31.
“Retribution?”, tugon ng mang-aawit sa tagapagsalita.
Ayon kay Councilor Atty. Franklin Gacal Jr., “unanimously approved by the council” ang resolusyong kaniyang inihain.
Nakasaad sa isinumiteng resolusyon na “despicable” ang tugon ni Navarro at “no factual or moral basis to accuse the people of Mindanao of having committed any wrongful or criminal act that deserves the punishment from the Great Almighty.”
Samantala, agad binura ni Navarro ang kontrobersiyal na tweet at humingi ng paumanhin sa mga nasaktan at naapektuhan ng lindol.
Tanggap din niya ang ginawang aksyon ng lokal na pamahalaan at sinabing may karapatan silang hindi magpatawad.
“There’s nothing I can do about that,” ani Navarro sa isang panayam.