Pinaalalahanan ng tanggapan ng Public Order and Safety Division (POSD) ang mga tsuper ng pampasaherong traysikel na sumunod sa ipinatutupad na fare matrix o pamasahe.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay POSD Chief Ret. Col. Pilarito Mallillin, ito ay makaraang aprubahan ng city council ang kahilingan ng grupo ng mga tsuper na tanggalin ang umiiral na number coding scheme.
Bagama’t magiging maluwag na aniya ang pamamasada sa lungsod ay kailangan pa rin sundin ang umiiral na health protocol para makaiwas sa posibleng hawaan ng virus.
Kaugnay nito, pinayagan na rin ang dalawa hanggang tatlong pasahero kasunod ng pagtitiyak na masusunod ang health protocol.
Magpapatuloy naman ang kanilang pagpapatrolya sa mga lansangan dahil sa mas pinaluwag na pamamasada lalo pa’t tinatayang mahigit sa 6,000 ang mga tricycle na namamasada sa lungsod maliban pa sa mga nagmumula sa kalapit na bayan ng Reina Mercedes, Naguilian, Cabatuan, Angadanan, Luna at Alicia.
Binigyang diin naman nito na ang P13.00 na pamasahe ay iiral lamang sa poblacion area at kung lalagpas sa mahigit 1-kilometro ay madaragdagan pa ito sa ilalim ng ‘new fare matrix’.
Samantala, pinayuhan naman ng opisyal ang mga residente na kung wala namang mahalagang gagawin sa labas ay manatili na lang sa loob ng kani-kanilang bahay at huwag na lamang bumiyahe para makaiwas sa bigat ng daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Pakiusap naman ni Mallillin sa publiko, ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang mga tsuper na hindi sumusunod sa ipinatupad na fare matrix at ang umano’y pananamantala na taas-singil sa pasahe.