Batay sa abiso ng kooperatiba, tumaas ang singil sa residential kung saan magiging 13.1284 pesos ang kada kilowatt-hour matapos idagdag ang 1.6021 pesos kada kilowatt-hour.
Sa Low Voltage, magiging 12.2531 pesos ang singil kada kilowatt-hour dahil sa increase na 1.6021 kilowatt-hour at mahigit 1.6607 ang dagdag-singil sa High Voltage kaya naman nasa 10.7228 ang kada kilowatt-hour.
Paliwanag ng ISELCO 1, mayroong pagtaas sa taripa ng kuryente ngayong buwan dahil sa pagtaas ng Generation Rate.
Nauna nang nagbigay ng abiso ang San Miguel Energy Corporation sa tinatayang pagtaas sa taripa ng kuryente para sa billing period ng Mayo at sa mga susunod pang mga buwan bunsod na rin ng sitwasyon sa sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Dahil sa sitwasyon ng dalawang bansa, labis na naapektuhan ang pandaigdigang merkado kaya’t patuloy itong nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng coal at gasolina, isang malaking dahilan sa generation charge.
Tiniyak naman ng ISELCO-1 na ang power rate na itinakda ng kooperatiba ay regulated ng Energy Regulatory Commission o ERC kaya walang dapat ikabahala ang mga konsyumer.
Hinikayat din ng tanggapan ang lahat na maging masinop sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang pagtaas ng power bill lalo na ngayong tag-init.