Manila, Philippines – Binalaan na rin ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang publiko na kasabay ng pagtataas ng singil sa renta sa bahay at mga pangunahing bilihin ay magtataas na rin ng singil sa kuryente.
Ito ay dahil sa napipintong pagpapasa sa tax reform package ng Duterte administration.
Ayon kay Zarate, ito ay dahil sa itataas na excise tax sa diesel at bunker fuel na ginagamit sa produksiyon ng koryente.
Pwede aniyang umabot ng piso at limampung sentimos ang itataas sa singil para sa bawat kilowatt hour ng kuryente kapag natuloy ang tax reform.
Ang Mindanao ang posibleng mas tamaan nito dahil ang 20% ng power generation ng rehiyon ay nakadepende sa oil fired power plants na siyang mas kailangan ng fuel.
Dodoble din ang tama sa mga taga mindanao dahil ang mga electric cooperatives ay tatamaan din ng pag alis ng vat exemption sa ilalim ng tax reform.
Sinabi ni Zarate na hindi pwedeng balewalain ang magiging epekto ng nasabing reporma sa pagbubuwis.
DZXL558