Manila, Philippines – Pinayuhan ni Senadora Grace Poe ang Metro Manila Development Authority o MMDA na huwag magpadalos-dalos sa planong pagbabawal sa EDSA ng mga sasakyang iisa o driver lamang ang sakay.
Naniniwala si Senadora Poe, chairperson ng Committee on Public Services na may magandang intensyon ang MMDA pero dapat bago ito ipatupad ay pag-aralan munang mabuti at magsagawa ng dry run o trial period.
Giit ni Poe, bago ipagbawal sa EDSA ang single-passenger car ay dapat munang tiyakin na may alternatibong kalye na madadaanan ang mga ito kung saan walang illegally parked vehicles at mga istrakturang sagabal sa daloy ng trapiko.
Ayon kay Poe, aabot sa 60-porsyento ng mga driver o behikulong dumadaan sa EDSA ang maaapektuhan ng planong single-rider scheme.