Hindi makukuha ng sinibak sa pwesto na si PMSgt. Rodolfo Mayo ang kanyang mga benepisyo.
Ito ay makaraang katigan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service na tuluyan ng sibakin sa tungkulin si Mayo.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, guilty sa grave misconduct at conduct unbecoming of an officer si Mayo.
Si Mayo ay miyembro ng intelligence officer ng PNP-Drug Enforcement Group kung saan nahulihan ito ng halos 1 toneladang shabu na nagkakahalaga ng ₱7-B sa pagmamay ari nitong lending shop sa Maynila noong Oktubre.
Dahil sa pagkaka-aresto kay Mayo, hinamon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos ang 3rd level officers ng PNP na maghain ng courtesy resignation na layuning linisin ang Pambansang Pulisya mula sa iligal na droga.