Manila, Philippines – Tiniyak ng Department of Interior and Local government na mabibigyan ng patas na imbestigasyon si CPP Central Committee Member Vicente ‘Vic’ Ladlad na nahuli kahapon kasama ang dalawang iba pa.
Pinapurihan din DILG Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagkaaresto kina Ladlad , Antonio De Jesus at isang ‘Ate Anna’.
Sinabi ni Año , patunay lamang ito na walang sinuman, kahit anong katayuan sa lipunan, ay nangingibabaw sa batas.
Si Ladlad ay may kinakaharap na 15 bilang ng kasong murder na nakasampa sa Branch 32 ng Manila Regional Trial Court.
Isinasangkot din ito sa “Oplan Venereal Disease” ng New People’s Army na iniuugnay sa mass grave na nadiskubre noong Agosto 2006 sa Sitio Sapang Dako, Barangay Culisihan, Inopacan, Leyte.
Sinabi pa ni Año, nilabag aniya ng tatlong naaresto ang Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition dahil sa mga armas na nakuha sa kanila.
Inaresto ang mga ito sa kanilang safehouse sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City sa bisa ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 89 ng National Capital Judicial Region.