Manila, Philippines – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi isinasantabi ng administrasyong Duterte ang karapatang pantao at hindi kailanman ay kukunsintihin ang extrajudicial killings sa bansa.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap ng joint statement ng mga United Nations Special Rapporteur na umaapela sa gobyerno ng Pilipinas na magsagawa ng agarang imbestigasyon sa mga nangyayaring patayan sa bansa at papanagutin sa batas ang mga nagkasala.
Hiniling din ng mga UN special rapporteur na pag-aralang mabuti ng pamahalaan ang mga umiiral na polisiya.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, patunay lang na hindi kinukunsinte ng gobyerno ang extrajudicial killing ay ang pagsibak sa puwesto ng lahat ng pulis ng Caloocan City matapos ang kaso ng pagpatay kay Kian Delos Santos.
Matibay na ebidensiya aniya ito na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pamahalaan para maparusahan ang mga pulis na umabuso sa kapangyarihan.
Ang mga hakbang aniya na ito ay patunay lamang na pinangangalagaan at pino-protektahan ng pamahalaan ang karapatang pantao.