Siniguro ng Philippine National Police na walang paglabag na gagawin ang kanilang hanay sa gagawing pagaresto sa apat na mga dating mambabatas.
Kasunod ito ng pagpapaaresto ni Palayan RTC Judge Evelyn Atienza-Turla sa apat na dating mga makakaliwang kongresista na sina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teddy Casino, dating Gabriela Rep. at ngayon ay National Anti-poverty Commission Secretary Liza Maza at Dating Department of Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano dahil sa kasong double murder.
Ayon kay PNP Spokesperson Sr Supt Benigno Durana, gagampanan nila ang kanilang mandatong arestuhin ang mga akusado batay na rin sa utos ng korte.
Pero ito ay gagawin nila na may respeto sa karapatang pantao at walang magaganap nq pagyurak sa dignidad ng mga akusado.
Sina Ocampo, Casino, Maza at Mariano ay inaakusahang mga opisyal ng CPP-NPA na nagpapatay ng dalawang indibidwal noong 2003 at 2004 para masiguro ang tagumpay ng Bayan Muna.