Manila, Philippines – Sa pagdinig ng Senado ay inilatag ni Tranportation Secretary Arthur Tugade ang rehabilitasyon at planong pagtatayo ng paliparan para ma-decongest ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kabilang dito ang pagtatayo ng San Miguel Holdings Corporation ng international airport sa Bulacan na nagkakahalaga ng 15-bilyong dolyar.
Ang proposal ay nakabinbin pa at naghihintay maaprubahan ng gobyerno.
1,168 ektarya ang sasaklawin ng itatayong airport sa bahagi ng Manila Bay sa bayan ng Bulakan.
Magtataglay ito ng anim na parallel runways at kakayaning tumanggap ng hanggang 100-milyong pasahero sa loob ng isang taon na tatlong beses na mas malaki kumpara sa kapasidad ng NAIA.
Samantala, ayon kay Tugade ang itinatayo namang airport sa panglao ay 92 percent ng kumpleto habang ang Bicol International Airport naman sa Albay ay 50-percent ng kumpleto.
Sabi ni Tugade, plano ding magpatayo ng airport sa Bukidnon at Siargao.
Inihayag din ni Tugade na bukod sa NAIA rehabiltation project ay isinasaayos din ang mga paliparan sa Davao, Laguindingan, Zamboanga, Bacolod, Iloilo, Kalibo, General Santos, Calbayog, at Ozamis.
Payag din ang DOTr na buhayin ang Sangley Airport sa Cavite.
Pinagpasalamat din ng DOTr ang nais ni Senator Richard Gordon na muling gamitin ang Subic Bay International Airport.
Ayon kay Tugade, pag-iibayuhin naman ang mga byahe ng eroplano sa Tarlac International Airport.