Manila, Philippines – Sinimulan na ng Kamara ang interpelasyon sa priority measure ni Pangulong Duterte na rice tariffication bill.
Inisponsoran na sa plenaryo ni House Agriculture Committee Chairman Jose Panganiban ang House Bill 7753.
Sa ilalim ng panukala, tinatanggal ang limit sa importasyon ng bigas at ipinauubaya na ang rice importation sa pribadong sektor pero may katapat na taripa.
Itinatakda ang pagpapataw ng bound tariff rate na 35% sa aangkating bigas na magmumula sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nation habang 40% na taripa kung ang rice import ay magmumula sa mga bansang hindi kasapi ng ASEAN.
Lilikha din ng rice competitiveness enhancement fund mula sa duties na makokolekta sa pag-aangkat ng bigas.
Pero mariin naman itong tinututulan ni Anakpawis Representative Ariel Casilao dahil posibleng ikalugi ito ng nasa 2.4 million na magsasaka ng palay at mahigit isang milyong rice farm workers.