Tila sumasabay ka sa alon ng dagat habang pinagmamasdan ang bawat detalye ng pinakabagong atraksyon ngayon sa Banaan Pangasinan Provincial Museum, sa Lingayen, Pangasinan – ang Visual Art Exhibit na “Dayat”.
Bilang lalawigan na may mga coastal waters, Pangingisda ang isa sa pangunahing kabuhayan dito sa Pangasinan.
Kaya naman ang ating mga masisipag na mangingisda ang naging inspirasyon ng mga Pangasinan artists na sina Clyde Aedriel Rafael ng bayan ng Natividad at Mark Delos Santos ng San Carlos City nang gawin nila ang seascape art na ito.
Dito makikita ang art pieces na pinamagatang “Kalukor” o lambat sa tagalog – limang hugis o representasyon ng mga mangingisda na gawa sa mga industrial wires at epoxy clay na siyang nagpapakita ng kalbaryo ng mga Mangingisda habang nasa laot sa araw-araw.
Masisilayan rin ang ilang mga lamang dagat gaya ng mga iba’t ibang uri ng isda na yamang maituturing ng karagatan na sakop ng lalawigan.
Sa asul na kulay ng mga obra, tunay ngang nakabibighani ito at kamangha-mangha para sa bawat bumibisita sa naturang museo.
Ang Dayat Visual Art Exhibit ay maaaring masilayan o mabisita ng mga art enthusiast hanggang sa buwan ng Hunyo ngayong taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










