Iginiit ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na masyadong mahal ang presyo ng Sinopharm COVID-19 vaccine.
Ayon kay Galvez, ang presyo ng Sinopharm ay nasa $76 o nasa ₱3,600.
Pitong beses aniya itong mas mahal kumpara sa AstraZeneca.
Wala aniyang dahilan na bumili ng Sinopharm lalo na kung makakabili naman ng brand mula sa China at Estados Unidos na mataas ang efficacy o bisa.
Dagdag pa ni Galvez, masyadong ‘problematic’ ang Sinopharm lalo na sa ‘sense of fairness,’ equitable access at cost efficiency.
Ang mga opisyal ng MKG Corporation, ang local distributor ng Sinopharm ay haharap sa pagdinig ng Senado hinggil sa COVID-19 vaccination program matapos nilang sabihin na nabigo ang Department of Health (DOH) na aksyunan ang kanilang application para magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas.
Itinanggi naman ito ng DOH at iginiit na ang inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang partisipasyon ng Sinopharm sa clinical trials.
Una nang sinabi ng Department of Science and Technology (DOST) na nakipag-ugnayan sa kanila ang Sinopharm para sa kolaborasyon, pero hindi na tumugon ang kumpanya.