Sintomas ng dengue at chikungunya, magkapareho lang ayon sa isang health expert

Payo ng isang eksperto sa publiko na agad ipakonsulta sa doktor ang mga bata kapag nakitaan ng sintomas ng dengue o chikungunya.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Benito Atienza, Vice President ng Philippine Federation of Professional Association na kapag nilagnat na ng dalawa hanggang tatlong araw ang bata dalhin na agad sa doktor.

Hindi na aniya kailangang hintayin pang humupa ang lagnat dahil kapag nawala ang lagnat, kasabay nito ang pagbaba na ng platelet count na siyang delikado kapag hindi naagapan.


Bukod sa lagnat ay makararanas din aniya ng rashes sa balat.

Binigyan diin ni Atienza na ganito rin aniya ang sintomas ng chikungunya kaya hindi madaling sabihin kung dengue ba ito o ibang sakit.

Kaya hangga’t maaari aniya, suotan ng pajama o damit na may mahabang manggas na light colors ang bata para hindi dapuan ng lamok.

Madalas kasi aniyang sa madidilim na kulay lumalapit ang lamok.

Makabubuti rin aniyang linisin palagi ang paligid, palitan nang madalas ng tubig ang mga vase at huwag mag-ipon ng tubig nang walang takip para hindi pamahayan ng lamok.

Facebook Comments