Cauayan City – Sinimulan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Nueva Vizcaya ang pagpapalit ng hanging bridge sa Barangay Abuyo, Alfonso Castaneda.
Matatandaang nagdulot ng aksidente noong September 26 ang nasabing hanging bridge kung saan 43 mag-aaral, 7 guro, at ilang opisyal ang nasaktan habang patungo sa kanilang intramurals sa Sitio Diogan.
Ayon kay Engineer Samuel Dela Cruz ng DPWH 2nd District Planning and Design Section, ang bagong tulay ay magiging mas matibay, ligtas, at komportable para sa mga residente.
May nakatakdang lifespan ito na aabot ng 20 taon, depende sa epekto ng mga kalamidad.
Dagdag pa ni Dela Cruz, ang DPWH ay makikilahok din upang suriin ang iba pang mga problema sa imprastraktura sa Abuyo at mga kalapit na lugar.
Ang anunsyo ay ginawa sa isang pulong ng Provincial Task Force-Serbisyo Caravan at magdadala ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa barangay Abuyo.
Samantala, nakatakdang isagawa ang caravan sa December 12 bilang bahagi ng Whole-of-Nation Approach ng Executive Order No. 70.