Manila, Philippines – Anumang araw ngayong buwan, uumpisahan na ng Kamara ang imbestigasyon sa tone-toneladang basura mula sa mga bansang South Korea at China na ibinaba sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental.
Una ng naghain ng house resolution 2317 si Rep. Juliette Uy na humihiling sa house committee on ecology na imbestigahan ang mga itinambak na basura ng kompanyang Verde Soko Phil. Industrial Corporation sa bansa.
Ayon pa kay Cagayan de Oro 2nd District Rep. Maxi Rodriguez Jr. – nagtulong tulong ang mga kongresista mula sa northern mindanao at nagyahag ng interes na mabusisi nang husto ang usapin para malaman kung saan ang pagkukulang at kung sino ang dapat managot.
Ikinatuwa naman aniya ng mga kongresista sa rehiyon ang naging pahayag ng South Korean government na agad nilang ibabalik sa kanilang bansa ang mga basura.
Matatandaang natuklasan ng Bureau of Customs ang maling deklarasyon ng Verde Soko ang sari-saring mga basurang dumating noong buwan ng Hulyo at Oktubre.