Manila, Philippines – Ipinasisiyasat ng Minorya sa Kamara ang umano’y midnight deal ng nakaraang Aquino administration.
Ito ay kaugnay sa mga kontrata at proyekto na ipinasok at inaprubahan noong nakaraang administrasyon tulad ng Dengvaxia vaccine, Dalian trains mula sa China na hindi pa rin magamit-gamit, at ang kontrobersyal na Frigate Acquisition Project.
Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at Buhay PL Rep. Lito Atienza, nailusot ang mga nasabing proyekto bago matapos ang Aquino administration.
Aniya, ang mga midnight deals katulad nito na minadaling aprubahan sa nakaraang gobyerno ang dapat na tutukan at imbestigahan dahil bilyones ang inilaan dito na pondo.
Giit ni Atienza, ginawa ito ng nakaraang administrasyon dahil sa paniniwalang sila ang mananalo sa nakaraang eleksiyon.