Plano ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na baguhin ang sistema ng pamamahagi ng gobyerno ng pondo sa mga lokal na pamahalaan.
Ito’y upang masigurong tamang proyekto ang mapaggagamitan ng mga ito partikular ang mga higit na nangangailangan.
Pahayag ito ni Lacson na siyang pambato ng Partido Reporma sa pagkapangulo sa isinagawang Online Kamustahan sa Cabuyao City, Laguna.
Ayon kay Lacson, magagawa nila ito sa ilalim ng kanilang Budget Reform Advocacy for Village Empowerment (BRAVE) agenda kung saan naniniwala siya na ang mga nakaupo sa lokal na pamahalaan ang mas nakaka-alam ng nararapat na proyekto sa kanilang mga constituent.
Sinabi pa ni Lacson na dapat maramdaman ng taumbayan ang tunay na serbisyo publiko lalo na sa gitna ng COVID-19 pandemic at ipinunto nito na dapat maitama ang maling sistema ng pamahagi ng pondo na para sa publiko.
Dagdag pa ng senador, sakaling maging pinuno ng bansa, personal niyang tutukan ang laban sa korapsyon sa gobyerno dahil ito ang nagiging dahilan ng nararansang hirap ng bawat Filipino kung saan hindi niya palalagpasin ang kahit sino.
Naniniwala rin si Lacson na ang ilang taon nila karanasan ni Sen. Vicente “Tito” Sotto na siyang running mate nito at tatakbong pagkabise presidente ay sapat na para pamunuan nila ang bansa.
Nabatid na ikinasa ng partido ni Lacson ang Online Kamustahan sa Cabuyao City upang marinig ng publiko ang kanilang mga plataporma kung saan bukod sa nasabing siyudad, napanood rin ito via online sa 23 satellite venues kabilang ang ilang mga barangay mula sa Biñan, Calamba, San Pablo, San Pedro at Santa Rosa sa lalawigan ng Laguna.