Site na “Hands of our Children”, hiniling ng AFP sa Facebook Philippines na ibalik

Umapela ang Armed Forces of the Philippines sa Facebook Philippines na ibalik ang site ng “Hands of our Children” at iba pang mga kahalintulad na sites na kontra sa pang-aabuso sa mga kabataan at terorismo na maaaring napasama sa mga site na isinara ng Facebook.

Matatandaang mahigit 150 pekeng accounts na nakabase sa China at mga site na mina-manage umano ng mga taong konektado sa pulis at militar ang isinara ng Facebook dahil sa “coordinated inauthentic behavior”.

Ayon kay AFP Spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo, napag-usapan ito nina AFP Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay sa kaniyang pakikipagpulong kahapon kay Facebook Head of Public Policy in the Philippines, Clare Amador.


Sa pagpupulong, ipinaliwanag ng Facebook ang kanilang mga polisiya sa pagtanggal ng mga account na nakatutok sa “behavior” at hindi sa “content” ng mga account.

Ayon kay Arevalo, nakiusap si Gen. Gapay na kung maaari ay i-review ng FB ang kanilang mga policy sa pagsasara ng mga account para bigyan ng konsiderasyon ang advocacy ng may-ari ng account upang hindi mapag-isipan na “partisan”.

Ang “Hands of our Children” ay binubuo ng mga magulang na may mga anak na nawawala makaraang umano’y ma-hikayat na sumama sa New People’s Army na kinokonsiderang terrorist group.

Facebook Comments