SITG Degamo, muling nagpulong sa update sa kaso ilalabas sa pagdinig ng Senado mamaya

Muling nag-convene ang Special Investigation Task Group (SITG) Degamo kahapon upang pag-usapan ang itinatakbo ng imbestigasyon hinggil sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nuong Marso a-4.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., nagtutulungan ang National Bureau of Investigation (NBI) at PNP Forensic Group para makuha lahat ng ebidensya sa kaso nang sa ganon ay maging matibay ang reklamong ihahain laban sa mga suspek.

Ani Acorda, magkakaroon ng pagdinig mamaya ang Senado hinggil sa Degamo slay case at doon isisiwalat ng SITG ang mga updates o development sa kaso.


Una nang natukoy ang 11 suspek kasama si Marvin Miranda, dating bodyguard ni Cong. Arnolfo Teves na isa umano sa mga utak sa krimen.

Kasunod nito, tiniyak ng PNP na igagawad ang hustisya kay Degamo at sa naulilang pamilya nito at sa iba pang mga biktima kung saan kanilang papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Facebook Comments