Sitwasyon ng produksyon ng asin sa bansa, pinapaimbestigahan sa Senado

Pinasisilip ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang sitwasyon ng industriya ng pag-aasin sa bansa.

Sa inihaing Senate Resolution 100 ni Villanueva ay pinaiimbestigahan nito ang mga hakbangin ng pamahalaan para muling ibangon ang salt production industry ng bansa na makakatulong para makalikha ng trabaho at mapalago ang ekonomiya.

Ikinabahala kasi ni Villanueva ang pahayag ng Department of Agriculture (DA) na hindi na kaya ng Pilipinas na gumawa ng sariling asin para sa pansariling gamit ng bansa bunsod ng kapabayaang ginawa ng nagdaang mga gobyerno sa loob ng 15 taon.


Ikinadismaya rin ng senador ang pahayag ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. na 93 porsyento ng asin na gamit sa bansa ay mula pa sa Australia at China.

Nakakahiya aniya ito para sa Pilipinas na isang archipelago na may mahigit 36,000 baybayin na potensyal na mapagkukunan ng asin.

Sa idaraos na pagsisiyasat ay binigyang diin ni Villanueva na agad tugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan para sa pagpapalakas ng produksyon ng asin sa bansa kabilang dito ang pangangailangan para sa storage facilities, at mga kagamitan tulad ng water pump at bangka para sa paghahakot at pagiimbak ng asin.

Facebook Comments