Halos puno na ng mga pasyenteng may COVID-19 ang tatlong city-owned hospital sa lungsod Quezon.
Kahapon nang maabot na ang full-bed capacity ng Novaliches District Hospital at Rosario Maclang Bautista Hospital habang iisa na lang ang bakanteng espasyo sa Quezon City General Hospital.
Bukod dito, limitado na rin ang kapasidad ng tatlong HOPE quarantine facility na inuukupahan ng mga indibidwal na isinailalim sa community-based testing para sa self-isolation.
Una rito, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na nasa “danger zone” na ang COVID-19 bed occupancy rate sa Metro Manila at CALABARZON habang nasa “warning zone” na ang ilan pang rehiyon sa bansa.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, 52.3% o 8,577 ng 16,388 na kama na nakalaan para sa COVID-19 patients sa buong bansa ang okupado na mula pa noong July 26, 2020.
Samantala, aminado rin ang ilang doktor sa Philippine General Hospital (PGH) na mas malala ang sitwasyon ngayon sa front line kumpara noong una.
Ayon kay Infectious Disease Specialist Dr. Monica Reyes-Montecillo, pagod na ang medical workers.
Apela nila, magkaroon ng mas maayos na contact tracing efforts at mas maraming isolation facilities para mapigilan ang pagkalat ng virus.