
Sa pinaigting na manhunt operations ng Taguig Police Station, nagresulta ito sa pagkakaaresto sa siyam sa 10 most wanted persons noong buwan ng Mayo.
Ayon kay Taguig City Chief of Police Col. Julius Añonuevo, bunga ito ng masusing intelligence operations, walang humpay na pagtugis ng kapulisan at pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng mga naarestong indibidwal ang statutory rape, acts of lasciviousness, qualified theft, falsification of commercial documents, robbery at may kinalaman sa ilegal na droga.
Mapapansin na isa na lamang sa top 10 most wanted persons ang hindi pa naaaresto, ngunit ayon sa pulisya ay nasa ilalim na ito ng surveillance at patuloy ang monitoring operations nila para mahuli na ang nasabing natitirang akusado.
Samantala, binigyang-diin naman ni Col. Añonuevo ang suporta ni Mayor Lani Cayetano sa pagpapalakas ng kampanya laban sa kriminalidad.
Nabatid na bago ito ay nakapagtala na rin ang Taguig City Police ng 100 porsyentong arrest rate laban sa kanilang top 10 most wanted persons mula January hanggang April ngayong taon.
