Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station, hindi aniya totoong nagtungo sa Tuguegarao City ang SK Chairman noong Biyernes ng gabi, July 8, 2022 taliwas sa paalam nito sa kanyang misis.
Ayon kay PMaj. Galiza, nagtungo kahapon ang pamilya Dalere sa kanilang himpilan para idulog ang umano’y pagkawala ng SK Chair dahil sa hindi na nito pagpaparamdam subalit lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na hindi nawawala si Jimmy Dalere.
Nilinaw ni Galiza na batay sa kuha ng CCTV Camera, araw ng Sabado, July 9, 2022, nakita ang puting sasakyan ni SK Chair na pumarada sa harap ng tinutuluyang boarding house ng umano’y ‘kalaguyo’ sa Sipat St., Cauayan City at nakita rin na bumaba ito mula sa sasakyan na kinumpirma rin ng kanyang kapamilya.
Nakumpirma rin na noong Sabado ay nagpaalam din sa landlord ang umano’y kalaguyo ng SK Chair na aalis na ito sa kanyang inuupahan at umalis bitbit ang kanyang mga gamit.
Posible umanong magkasamang umalis ang dalawa subalit hindi pa malinaw kung saan nagtungo ang sasakyan at ito ay aalamin pa ng kapulisan.
Una nang nagpahayag ang asawa ng SK Chair na walang katotohanan ang kumakalat na impormasyon na nakipagtanan ang kanyang asawa at nirerespeto naman ito ng pulisya subalit mahirap naman ani Galiza na itatago ng PNP ang resulta ng kanilang imbestigasyon.
Kaugnay nito, nananawagan ang PNP Cauayan kay SK Chairman Jimmy Dalere na magparamdam o kausapin na ang asawa’t pamilya para sa kanilang kapanatagan at makumpirma rin na siya ay nasa maayos na kalagayan.
Samantala, nanawagan naman ni PMaj. Galiza sa mga Cauayeño na makipagtulungan sa kapulisan para mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa Lungsod.
Gagawin aniya ang lahat ng makakaya ng PNP Cauayan para maiwasan ang anumang hindi inaasahang insidente at maging ligtas at payapa ang Siyudad ng Cauayan.