*Cauayan City, Isabela- *Nasa malubhang kalagayan ang isang Sangguniang Kabataan Chairman matapos sumalpok ang minamanehong motorsiklo sa nakaparadang sasakyan sa kahabaan ng pambansang lansangan sa barangay Ajat, Iguig, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Dexter Egipto, 22 taong gulang, binata, at residente ng San Esteban, Iguig, Cagayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, abala sa pagbaba ng mga drygoods mula sa Forward Elf closed van si Joseph Fernandez na kasamahan ng may-ari ng sasakyan at negosyanteng si Marissa Bunagan na taga Brgy. Ugac Sur, Tuguegarao City.
Ayon kay Fernandez, habang siya ay nagbaba ng mga paninda mula sa sasakyan na nakaparada sa kanang bahagi ng kalsada ay nakita nito ang mabilis na patakbo ng biktima sa kanyang minamanehong motorsiklo hanggang sa bumangga ito sa kaliwang bahagi ng sasakyan.
Dahil dito, nagtamo ng matinding pinsala sa katawan ang biktima na agad namang nirespondehan at isinugod sa ospital ng RHU-Iguig para mabigyan ng karampatang lunas.