SK kagawad at blogger, sinampahan ng kaso kaugnay ng pagpapakalat ng fake news

Inihahanda na ng pulisya ang kasong “unlawful use of means of publication and unlawful utterances” laban sa Sangguniang Kabataan (SK) kagawad na si James Aldrich Amora, at blogger na si Eric Batac.

Ito ay matapos na mag-post si Amora noong August 24 kaugnay sa pagdukot sa dalawang babae gamit ang puting van, na kalauna’y nakumpirma ng pulisya na “fake news” o maling impormasyon.

Noong September 19 naman ay nag-post si Batac hinggil sa pagpapalaya ng pulisya sa suspek na sangkot sa pananaksak, matapos na hindi umano nakapagbigay ng pahayag ang biktima nito, na ideneklara rin na fake news ng mga otoridad.


Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director Police Brigadier General Nicolas Torre III, patuloy nilang tutuntunin ang mga indibidwal na nagpapakalat ng fake news sa social media na may kinalaman sa kriminalidad.

Aniya, sasampahan din nila ito ng kaukulang kaso sakaling mapatunayan na lumabag ang mga ito sa batas.

Una na ring nagsampa ng kaso ang QCPD laban sa isang Marichu Ramos na nagpanggap na biktima ng kidnapping.

Facebook Comments