Ininspeksyon ni Public Works Sec. Mark Villar ang nakumpleto nang 18 kilometrong Skyway Stage 3 Project na magdudugtong sa Northern at Southern portion ng Metro Manila.
Ayon kay Public Works Sec. Mark Villar, ang Skyway Stage 3 project ay isa lamang sa 23 proyekto ng pamahalaan na naglalayong ma-decongest o mapaluwag ang EDSA.
Sinabi ni Villar na sa sandaling buksan na sa mga motorista ang Skyway Stage 3 project, ang dating 2 oras na biyahe ng mga motorista mula SLEX patungong NLEX ay magiging 30-minuto nalang.
Ang biyahe ng mga motorista mula Makati patungong Quezon City ay magiging 20-minuto na lamang.
Ayon pa kay Villar, bago naman matapos ang taong 2022, ang biyahe mula sa NAIA patungong Balintawak ay magiging 20-minuto na lamang din.
Bukod dito, kabilang din sa proyekto ng pamahalaan ang NLEX Harbor Link, BGC-Ortigas Link Bridge, NLEX SLEX Connector, Pantaleon Estrella Bridge, Binondo Intramuros Bridge, Lawton Avenue, Katipunan Extension, at ang Laguna Lake Expressway.