Iginiit ni Sen. Grace Poe sa South Luzon Expressway o SLEX na magbaba ng singil sa toll.
Ang mungkahi ni Poe ay kasunod ng inilabas na traffic advisory ng SLEX na simula noong Sept. 24 ay sarado ang Lane 3 northbound nito o outermost lane paglagpas ng Alabang Viaduct sa Muntinlupa City.
Dahilan nito ang konstruksyon ng Skyway extension project mula Barangay Cupang hanggang Susana Heights.
Ikinatwiran ni Poe, na kaya nagbabayad ng toll ang mga motorista ay para mabilis na biyahe.
Pero wala aniyang silbi na tinawag pa itong expressway kung 28 kilometro ang ginagapang na mabagal na usad ng trapiko ng mga motorista araw-araw.
Sa budget hearing ng senado ay nangako naman si Abraham Sales, executive director ng Toll Regulatory Board na kanilang tatalakayin ang suhestyon ni Senator Poe.