Posibleng ipinagamit kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang slot ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya nakakuha ito ng kwarto sa Philippine General Hospital (PGH).
Teorya ito ni Iloilo Representative at dating Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin kasunod ng isyu ng pag-admit kay Roque sa PGH sa kabila ng maraming pasyenteng tinatanggihan dahil sa kakulangan ng mga bakanteng kama.
Ayon kay Garin, batay sa kaniyang pagkakaalam PGH lang ang nag-iisang ospital sa bansa na may nakareserbang kwarto para sa Pangulo.
Habang sa ibang government o DOH ospitals naman ay may nakareserbang kwarto para sa mga medical center chiefs na ang opisina ay maaaring i-convert sa hospital bed at maaring magamit ng undersecretary o secretary kung punuan na ang mga ospital.
Maari din aniyang kailangan nang dalhin sa ospital si Roque kaya nakiusap na ipagamit na lang sa kaniya ang nakareserbang kwarto para sa Pangulo.
Matatandaang una nang dumistansiya ang DOH sa isyu ng mabilisang proseso o pagpapa-prioritize sa pagpunta ng kalihim sa PGH dahil sa sitwasyon ng bansa sa gitna ng pandemya.