Cauayan City, Isabela- Nilinaw ng pamunuan ng SM Center Tuguegarao Downtown na hindi sa parking area ng mall nangyari ang pagtangay sa isang motorsiklo na pagmamay-ari ng isang government employee taliwas sa naunang kumalat na impormasyon hinggil dito.
Paglalahad ng pamunuan ng mall, wala silang naitalang ganitong uri ng insidente kaya’t laking gulat nila ang kumalat na impormasyon patungkol dito.
Ayon naman kay PLTCol. Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng PNP Tuguegarao, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Luna St. sa lungsod partikular sa harap ng meat shop kung saan sinasabing iniwang nakaparada ng biktima ang kanyang motorsiklo.
Samantala, patuloy ang ginagawang manhunt operation ng mga awtoridad para madakip ang suspek sa pagnanakaw ng motorsiklo na pagmamay-ari ni Alexander Mangupag,57-anyos.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, iniwan umanong walang chain lock at nakakabit pa ang susi sa ignition switch ng motorsiklo at kaagad na nagtungo sa loob ng mall ang biktima.
Subalit pagbalik sa lugar ay laking gulat nito na wala na ang kanyang nakaparadang motorsiklo.
Dahil dito, nakipag-ugnayan na rin ang PNP Tuguegarao sa Highway Patrol Group-Cagayan para matukoy kung nasaan at sino ang tumangay ng motorsiklo ng biktima.