*Cauayan City, Isabela- *Muling isinagawa ang ika-apat na Joint Tactical Inspection at General Assembly ng mga empleyado at Security Guards ng SM City Cauayan sa pangunguna ni Provincial Director Police Colonel Mariano Rodriguez ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) partikular sa Transport Terminal ng naturang mall.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ms. Krystal Gayle Agbulig, Press Relation Manager ng SM City Cauayan, taunan ang pagsasagawa ng naturang inspeksyon sa lahat ng mga mall upang masuri ng mabuti ang kahandaan ng mga nakatalagang security guards maging ang maintenance at engineering na naka-assign sa mga Mall.
Sinuri din sa ginawang inspeksyon ang mga uniforms at gamit ng mga gwardiya upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa pamantayan na kinakailangan ng naturang kumpanya.
Ayon pa kay Ms. Agbulig, mayroon nang binuo ang SM City Cauayan na Emergency Response Group na kinabibilangan ng mga kawani, security guards at iba pang mga frontliners ng Mall upang pangunahan ang pagresponde sa anumang hindi inaasahang sakuna o kalamidad para sa seguridad ng mga mall-goers.
Samantala, pinarangalan ng SM City Cauayan ang tatlong security guards dahil sa kanilang ipinakitang katapatan sa pamamagitan ng kanilang pagsasauli ng mga narekober na malalaking halaga ng pera at gadgets.
Ang tatlong sekyu ay sina Mylene Navarro na nakarekober at nagsauli ng halagang P27,000.00, Ronnie Cuntapay ng halagang P120,000.00 at Joey Cuntapay na nagbalik naman ng kanyang narekober na pitaka na naglalaman ng P5,000.00.