Cauayan City, Isabela- Nakiisa ang SM City Cauayan sa paggunita sa ika-124 anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas ngayong araw, June 12, 2022.
Dumalo at nakiisa rin sa Independence Day Flag Raising rites na ginanap sa harap ng Mall ang mga City officials ng LGU Cauayan at incoming Mayor Jaycee Dy Jr.
Kasama rin sa mga umalala sa Kasarinlan ng bansa ang ilang kawani ng PNP, Tactical Operations Group (TOG) 2, Security guard, maintenance personnel at nurses ng SM City Cauayan.
Pagkatapos ng Flag raising rites, nagkaroon naman ng Bamboo Arts exhibition na gawa mismo ng isang Cauayeño mula sa Brgy. Labinab na si Mr. Cung Nung Thian.
Sa mensahe naman ni SM City Cauayan Mall Manager Shiela Estabillo, binigyang pugay nito ang lahat ng Pilipino na patuloy na nagsasakripisyo para sa bayan at nagpapakita ng pagmamahal sa Inang bayan.
Naniniwala ang Mall Manager na ang lahat ng tagumpay na tinatamasa ngayon ng SM Supermalls ay bunga ng pakikipagtulungan ng bawat isa.
Ibinahagi nito na bilang bahagi ng paggunita ng Independence Day, naglaan ang SM ng iba’t-ibang aktibidad para maipakita ang pagmamahal sa bayan at pagpapahalaga sa ating Kalayaan.
Isa na rito ang “Pinoy Eats” kung saan ibibida rito ang iba’t-ibang pagkaing Pinoy na sikat sa buong mundo, pangalawa ang “Buy Pinoy” kung saan iha-highlight ang mga produktong gawa ng mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at pangatlo ay ang pagdidisplay ng Watawat ng Pilipinas.
Samantala, nagbigay din ng mensahe si incoming Cauayan City Mayor Jaycee Dy Jr kung saan pinasalamatan nito ang lahat ng mga bayani na nag-alay ng kanilang buhay para makamit ang ating Kalayaan.
Ang paggunita ng Araw ng Kalayaan na isinasagawa sa SM City Cauayan at dinaluhan ng mga City Officials at mga Uniformed Personnel ay nagpapakita at sumisimbolo lamang aniya na tuloy-tuloy ang samahan at pagtutulungan ng mga ito para sa magandang progreso ng Lungsod at magandang kabuhayan ng mga MSMEs.
Unang inalala ang Independence Day na may temang “Kalayaan 2022: Pagsuong sa Hamon ng Panibagong Bukas (Rise Towards the Challenge of a New Beginning” sa Dr. Jose Rizal Park Monument, sumunod sa Veterans Tribute Skate Park sa Brgy. Tagaran at sa harap ng SM City Cauayan.