Kinumpirma ng ilang miyembro ng binuong small committee para sa 2022 national budget amendments na hindi pa nila naisasapinal ang panukalang pambansang pondo.
Ito’y kahit naunang target na deadline para sa submission ng individual amendments ng mga kongresista ay sa October 5.
Batay sa ilang kongesista na bahagi ng komite, marami ang nagsumite ng individual amendments para sa P5.024 trillion na 2022 General Appropriations Bill kaya’t ngayong araw pa lamang sila makakapag-pulong para dito.
Ayon kay Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo, naghihintay pa sila ng instructions mula kay Appropriations Chairman Eric Yap.
Matatandaang naging abala agad ang mga kongresista sa paghahain ng kanilang mga kandidatura matapos ang session break nitong September 30.
Noong nakaraang taon ay bumuo rin ng small committee na siyang tumanggap ng individual amendments para sa GAB.
Kabilang naman sa small committee na binuo ay sina Yap, Quimbo, Appropriations Vice Chair Joey Salceda, Majority Leader Martin Romualdez at Independent Minority Rep. Edcel Lagman.