SMNI, dinepensahan ng isang senador

Umaalma si Senator Imee Marcos sa ipinataw na 30 days suspension ng National Telecommunications Commission (NTC) sa Sonshine Media Network International (SMNI) na media network ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy.

Tanong tuloy ni Senator Marcos kung sino ang natatakot sa SMNI sabay giit na ito na lamang umano ang bukod-tanging network na nagtataguyod ng pamamahayag na may tapang na magtanong, mag-usisa at mag-isip tungkol sa mga nagaganap ngayon sa administrasyon.

Puna ng senadora na mayroon bang natatakot na tama at nagsasabi ng totoo ang SMNI kaya ganito ang ginawa sa kanila.


Pumalag din si Senator Marcos dahil walang abiso at palugit na ibinigay sa naturang television network bago ibinaba ang suspension order.

Sinita pa ng mambabatas na hindi man lang nabigyan ng pagkakataon ang SMNI na magpaliwanag at mangatwiran.

Sa suspension order ng NTC, binigyan ng show cause order ang Swara Sug Media Corporation, ang business name ng SMNI, dahil sa paglabag nito sa kanilang legislative franchise matapos na ilabas sa kanilang programa ang fake news na gumastos ng P1.8 billion sa kanyang travel expenses si House Speaker Martin Romualdez.

Facebook Comments